Pwede Kong Iboto Si Bongbong Marcos

Andrew Beso
Pluma Manila
Published in
3 min readMar 14, 2022

--

Pwede ko namang iboto si Bongbong Marcos

Ayan, gusto ko magkaroon tayo ng dayalogo na maayos
Pero pinili kong mabuti ang mga salitang aking ginamit
Hindi naman kami galit na galit at Tweet nang Tweet ng #NeverForget
Nang wala lang, just for the heck of it

Bulatlat.com

Madalas ko kasing naririnig sa inyo na hindi dapat namamana ng anak ang kasalanan ng ama
TEKA!
So ang maganda, naniniwala ka rin na may masamang ginawa ang ama sa ating bansa kung babalik tayo ng iilang dekada

Pero kahit past is past na yun, meron pa rin kaming dahilan
Kung bakit namin tinatanggal ang mga Marcos sa listahan ng pagpipilian tuwing halalan

Pakinggan…

Siguro, pag nagawa ni Marcos Jr. to, pwede ko siya i-konsidera

Una, ibalik ng kanilang pamilya ang nanakaw sa kaban ng bayan na nititira sa kanilang bulsa

Pangalawa, i-acknowedge ang karahasan nung Martial Law, aminin ni Bongbong na alam nya ang buong nangyari nung panahong to

Pangatlo, ipakita ang simpatya at respeto, sa mga biktima o desaperacido, sa pamilyang naulila at di man lang nalaman ang buong kwento

Screenshot from Facebook.com/BongbongMarcos

Bongbong, bakit di mo kayang gawin to?
O baka ang tamang tanong ay bakit ayaw mo gawin to?

Sa ilang taong nairrinig nyo ang sigaw ng mga Pilipino
Sa ilang desisyon ng korte, dokumentaryo, libro, at sa mga taong tumetestigo
Sa kung ano ang tunay na dinanas ng Pilipinas nung Martial Law

Bakit ayaw mo?

Ang mga Marcos lang naman ang nagbibigay rason kung bakit kami hindi maka-move on

Oo, sige, pwede nating sabihin na may nagawa si Bongbong Marcos sa hilagang Ilokos
Sana nga lang tama ang bawat detalye at datos

Pero kahit ganunpaman, kapag iniiba mo na kwento ng kasaysayan
Dito na pumipintig ang aming tenga, at kami’y nababahala
Kailanman, di yan matatanggap ng aming konsensya
Kahit sino ka pa, kahit ano pa ang iyong ginawang maganda
Merong baluktot sa iyong perspektiba

Bakit? Dahil sa lahat ng mapait na dinanas sa ating madilim na nakaraan
Ang pinakamasakit at malupit ay pag ito ay nangyari sa kamay ng kapwa Pilipino, isang pangulong inihalal

Sa malaking bawas sa kaban ng bayan, ang ekonomiya natin ay napagiwanan
Sa utang na minana at sa buwis pa natin ikakaltas ilang taon pa bago mabayaran
Sa libo ng mga Pilipinong tinorture, nilagay sa rehas, ipinapatay…lahat nang ito’y walang tamang proseso ng batas…na nasundan

Pag si Bongbong ay nangangampanya at tumatakbo, di namin maalis sa isip ang perang ninakaw ng pamilya ng kandidato nyo

Pag si Bongbong at nagkukuwento kung gaano kagaling ang kanyang ama, pinupunit nya ang mga pahina ng aklat ng kasaysayan na sa ami’y itinuro, muli nyang binubuksan ang malalim na sugat ng maraming Pilipino na inabot ng taon bago magihilom

At hangga’t inaasam nya na matungtong sa puwesto, patuloy nyang hinihikayat ang lahat ng kanyang mga tao na ipalaganap ang iisang kwento…

“Ang mga Marcos ay walang kailangang isauli”
“Si Marcos ay mabuti”
“Si Marcos ay bayani”

Ni isa sa mga linyang ito, hindi maaring maging totoo
Dahil sa 3 kondisyong sinabi ko

Photo: Malacanang Museum and Library

At kung ang kandidato nyo
Ay umaastang walang pagsisisi o pagkakasala
Hindi ba kayo nababahala kung ano pa ang pwedeng nyang magawa
Kasi alam nyo…ang tatay nyang diktador ganyan din nagsimula

Kaya #NeverAgain ang sigaw ng taongbayan
Dahil hanggang ngayon, hindi pa handang bayaran ni Marcos Jr. ang sinisingil ng kasaysayan

--

--

Andrew Beso
Pluma Manila

𝕊𝕠𝕔𝕚𝕖𝕥𝕪 | ℂ𝕣𝕖𝕒𝕥𝕚𝕧𝕚𝕥𝕪 — —bio.bar/andrewbeso